Call Us

(02) 85278113 / 8527 8114

Kuwentong Iskolar ng Pondo ng Pinoy I February 2026

Liwanag sa Barya: Ang Pangarap na Hinubog ng Pananampalataya Sa isang pamilyang nakikipagsapalaran sa araw-araw na buhay, ang pangarap ay madalas na kailangang ipaglaban nang may tiyaga, panalangin, at determinasyon. Para kay Jeserre Avellana Jacob, isang 20-taong gulang na iskolar ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc., ang edukasyon ay hindi lamang tungo sa propesyon kundi isang misyon ng pag-asa para sa pamilya at kapwa. Si Jeserre ay kasalukuyang 3rd year college student sa Antipolo Institute of Technology, kumukuha ng Bachelor of Construction Engineering Technology and Management. Ngunit bago niya marating ang puntong ito, dumaan siya sa mga hamon ng buhay na humubog sa kanyang pagkatao. Lumaki si Jeserre na may kamalayan sa hirap ng buhay. Sa kanilang tahanan, madalas na ang iniisip ay kung paano pagkakasyahin ang kita ng magulang para sa pagkain at pangangailangan ng magkakapatid. Hindi laging sapat ang budget para sa proyekto sa paaralan o sa iba pang gastusin. May mga pagkakataong napipilitang huminto ang ilan sa kanyang kapatid upang magtrabaho at makatulong sa pamilya. Sa ganitong sitwasyon, natutunan ni Jeserre ang halaga ng tiyaga at pagsusumikap na tapusin ang pag-aaral kahit may kakulangan sa materyal na suporta. Natagpuan ni Jeserre ang impormasyon tungkol sa scholarship habang naglilingkod siya bilang choir member sa kanilang simbahan sa Diocese of Antipolo. Isang madre ang nag-encourage sa kanya na subukang mag-apply sa scholarship program. Hindi naging madali ang proseso dahil maraming aplikante ang naghangad na maging bahagi ng programa. Ngunit pinanghawakan niya ang panalangin at pag-asa—hanggang sa dumating ang araw na natanggap niya ang balita na siya ay napili. Ang saya ay hindi maipaliwanag. Para kay Jeserre, ang pagiging iskolar ay parang sagot sa mga tahimik na panalangin ng kanilang pamilya. Sa praktikal na buhay ng pamilya, ang tulong na hatid ng scholarship ay nakapagpagaan sa bigat ng gastusin. Hindi na kailangang mangutang para sa jersey sa mga school activity o para sa mga materyales sa project. Ang grant na natatanggap sa parish formation activity ay may kaakibat ding paghihikayat sa mga iskolar na maghanda ng journal, expense report, at magdala ng mga plastic bottles bilang bahagi ng adbokasiyang pangkapaligiran ng programa. Sa simpleng paraan, ang maliit na tulong ay naging daan upang maipagpatuloy ni Jeserre ang kanyang pag-aaral. Ang pagiging bahagi ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc. ay hindi lamang nagbigay ng pinansyal na suporta kundi nagpalalim din ng pananampalataya ni Jeserre. Mas natutunan niya ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa, kahit sa maliliit na paraan lamang. Para sa kanya, ang kabutihang nagmumula sa puso ay hindi nasusukat ng halaga—kundi ng layunin at malasakit. Naniniwala siya sa diwa ng “Anumang mabuti, kahit gaano kaliit, ay mahalaga.” Sa hinaharap, nais ni Jeserre na maibalik ang tulong na kanyang natanggap sa pamamagitan ng paglilingkod sa komunidad. Nais niyang magbahagi ng bigas, school supplies, at iba pang pangangailangan ng mga kabataan sa kanilang parokya. Higit sa materyal na tulong, nais din niyang makinig sa mga taong may pinagdadaanan at mag-alay ng panalangin para sa kanila. Sa kanyang pananaw, ang tunay na pagbibigay ay hindi nasusukat sa laki ng handog kundi sa katapatan ng pusong nagnanais tumulong. Sa mga taong patuloy na sumusuporta sa misyon ng scholarship, ang mensahe ni Jeserre ay simple ngunit makapangyarihan: “Maraming salamat po sa pagsuporta sa Pondo ng Pinoy. Dahil sa inyo, marami ang natutulungan upang maipagpatuloy ang pag-aaral at maabot ang mga pangarap. Ang inyong maliit na tulong ay nagiging malaking pag-asa para sa aming mga estudyante at pamilya. Pagpalain po kayo ng Diyos.” Sa bawat barya na ibinibigay nang may malasakit, may pangarap na nabubuo at pag-asang sumisibol.Si Jeserre Jacob ay patunay na ang liwanag ng edukasyon ay maaaring magsimula sa munting barya ng kabutihan. By: Bebot Sabangan

Kuwentong Iskolar ng Pondo ng Pinoy I February 2026 Read More »

Kuwentong Iskolar ng Pondo ng Pinoy I Februry 2026

Bago siya naging iskolar ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc., hindi naging madali ang kanilang kalagayan. Apat silang magkakapatid na nag-aaral, at madalas ay hindi alam ng kanyang ina kung saan kukuha ng pera para sa mga biglaang gastusin sa paaralan—mga proyekto, bayarin, at pamasahe. Mas lalo itong naging mahirap nang dumating ang pandemya. Dumaan sa panahong wala silang internet connection sa bahay, kaya kinakailangan pa niyang makiusap sa kapitbahay upang makikonekta sa Wi-Fi at makapasok sa online classes. Sa kabila ng mga pagsubok, hindi siya sumuko. Pinanghawakan niya ang kanyang pangarap at pananampalataya. Sa tulong ng kanilang MPC Coordinator, nalaman ni Gelian ang tungkol sa scholarship program ng Pondo ng Pinoy. Hindi naging madali ang proseso—kinailangan ng dedikasyon, lalo na sa pagdalo sa formation at iba pang gawain ng organisasyon. Ngunit nang siya ay tuluyang mapabilang sa mga napiling iskolar, ang kanyang puso ay napuno ng saya at pananabik. Hindi lamang pinansyal na tulong ang kanyang natanggap. Malaki ang naitulong ng scholarship upang hindi na siya humingi pa ng pamasahe sa kanyang ina. Isang simpleng bagay, ngunit napakalaking ginhawa para sa kanilang pamilya. Sa loob ng tatlong taon bilang iskolar, natutunan ni Gelian ang mas malalim na kahulugan ng pagbibigay. Para sa kanya, ang diwa ng Pondo ng Pinoy ay malinaw: “”Anumang magaling kahit maliit bastat malimit ay patungong Langit.” Mas napalalim din ang kanyang pananampalataya. Bahagi ng kanilang pagiging iskolar ang pagsusulat ng journal tungkol sa homiliya ng pari—isang gawain na nagbigay sa kanya ng pagkakataong magnilay at pagyamanin ang kanyang espiritwal na buhay. Dahil dito, mas naging maayos ang kanyang pakikitungo sa kapwa at mas naging bukas ang kanyang puso sa paglilingkod. Hindi rin niya malilimutan ang mga aktibidad na dinaluhan niya—mga pagtitipong hindi lamang para sa kabataan kundi pati sa matatanda. Dito niya naranasan ang tunay na diwa ng komunidad at pagkakaisa. Mas tumibay ang kanyang samahan sa kapwa iskolar at mas naging makabuluhan ang kanyang paglalakbay. Naniniwala si Gelian na ang anumang mabuti, gaano man kaliit, ay mahalaga—lalo na kung ito ay mula sa puso. Para sa kanya, ang pagbibigay ay hindi nasusukat sa laki ng halaga kundi sa lalim ng malasakit. Kaya naman pinili niyang mag bigay din ng mga barya sa botelya ng Pondo ng Pinoy. Sa kabila ng kaliitan ng kanyang maiaambag, nais niyang ibalik ang biyayang kanyang natanggap. Patuloy siyang nagseserbisyo at sumusuporta sa mga gawain ng Pondo ng Pinoy, dala ang hangaring makatulong sa iba pang kabataang may pangarap ngunit kapos sa kakayahan. Sa mga taong patuloy na naghuhulog ng barya sa mga bote, taos-puso ang kanyang pasasalamat: Nawa’y huwag kayong magsawang tumulong sa amin. Hindi lamang po ninyo pinupuno ang mga bote ng barya—pinupuno rin ninyo ng pag-asa ang puso ng mga iskolar na tulad ko. Maraming salamat po. Sa kuwento ni Gelianmakikita natin na ang pag-asa ay hindi nasusukat sa laki ng tulong, kundi sa dami ng pusong handang magbahagi. Sapagkat sa bawat munting barya, may kabataang nangangarap—at may kinabukasang unti-unting natutupad. by: Bebot Sabangan

Kuwentong Iskolar ng Pondo ng Pinoy I Februry 2026 Read More »

Quick Links

About Us

Programs

Downloads

Updates

Contact

Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc.

OFFICE HOURS

Scroll to Top