Inihayag ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc. na nagbahagi ito ng tulong sa 10 Diyosesis o lalawigan na naapektuhan ng bagyong Odette.
Sa segment na Pondo ng Pinoy sa Caritas in Action, sinabi ni Ms. Carmela Anne Nequinto, program officer ng PNPCFI na nakipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa mga Diyosesis na sinalanta ng bagyong Odette na kanilang pinadalhan ng mga paunang tulong na nagkakahalaga sa 50 libong piso bawat isa.
Inihahanda din ng Pondo ng Pinoy ang pagsasagawa ng intervention sa iba pang programa na kakailanganin ng mga apektadong Diyosesis tulad ng house rehabilitation, education at livelihood.
“Marami tayo opportunity and chances na pwedeng ibigay sa kanila. diyan papasok ang projects na pinopondohan ni Pondo ng Pinoy kasi kapag rehab it involves yun mga pang-kabuhayan at mga intervention sa health, sa education, kasi for example kapag nasalanta sila ng bagyo kasi yun way ng pag-aaral ng mga kabataan nangangailangan din sila ng tulon tapos of course in terms of housing baka kailangan din nila i-rebuild yun kanilang mga bahay.”
Tiniyak ni Nequinto na bukas ang Pondo ng Pinoy para sa mga parokya o diyosesis na nangangailangan ng ibayong tulong upang makabangon mula sa pinsala na iniwan ng bagyo.
“Sa Pondo ng Pinoy hindi lang kami naghihintay ng lalapit sa amin we are also doing our part lalo na sa panahon ng disaster .. so kami naghanap na din kami ng pwede i-contact sa mga areas na nabanggit lalo na sa areas na nasalanta”dagdag pa ni Nequinto.
Nagpapasalamat naman ang pamunuan ng Pondo ng Pinoy sa patuloy na suporta ng mga mananampalataya na sa kabila ng krisis na dala ng pandemya ay patuloy pa din na nagbabahagi ang marami para sa programa na sinimulan ng noo’y Arsobispo ng Maynila, Cardinal Emeritus Gaudencio Rosales taong 2004.
“ngayon nalalaman namin na talagang nag-papatuloy ang mga kapanalig natin sa pagbibigay ng 25 cents ibig sabihin na [isinabuhay] nila yun spirit of giving na ina-advocate ng Pondo ng Pinoy, hindi lang sa 25 centavos pero yun maliit na tulong regardless if financial or acts yun ang mahalaga lalo na kung rooted siya sa pagmamahal sa kapwa”
Magugunitang ilang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao ang labis na pininsala ng bagyong Odette bago ang pagtatapos ng taong 2021 kung saan tinatayang umabot sa 1.2 milyong pamilya ang naapektuhan batay sa tala ng Philippine Statistics Authority.
Magpa hanggang sa ngayon ay aktibo na kumikilos ang iba’t-ibang organisasyon ng Simbahang Katolika para makatulong sa mga naapektuhan ng nasabing bagyo. (Rowel Garcia, Radyo Veritas)