Bago siya naging iskolar ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc., hindi naging madali ang kanilang kalagayan. Apat silang magkakapatid na nag-aaral, at madalas ay hindi alam ng kanyang ina kung saan kukuha ng pera para sa mga biglaang gastusin sa paaralan—mga proyekto, bayarin, at pamasahe.
Mas lalo itong naging mahirap nang dumating ang pandemya. Dumaan sa panahong wala silang internet connection sa bahay, kaya kinakailangan pa niyang makiusap sa kapitbahay upang makikonekta sa Wi-Fi at makapasok sa online classes. Sa kabila ng mga pagsubok, hindi siya sumuko. Pinanghawakan niya ang kanyang pangarap at pananampalataya.
Sa tulong ng kanilang MPC Coordinator, nalaman ni Gelian ang tungkol sa scholarship program ng Pondo ng Pinoy. Hindi naging madali ang proseso—kinailangan ng dedikasyon, lalo na sa pagdalo sa formation at iba pang gawain ng organisasyon. Ngunit nang siya ay tuluyang mapabilang sa mga napiling iskolar, ang kanyang puso ay napuno ng saya at pananabik.
Hindi lamang pinansyal na tulong ang kanyang natanggap. Malaki ang naitulong ng scholarship upang hindi na siya humingi pa ng pamasahe sa kanyang ina. Isang simpleng bagay, ngunit napakalaking ginhawa para sa kanilang pamilya.
Sa loob ng tatlong taon bilang iskolar, natutunan ni Gelian ang mas malalim na kahulugan ng pagbibigay. Para sa kanya, ang diwa ng Pondo ng Pinoy ay malinaw: “”Anumang magaling kahit maliit bastat malimit ay patungong Langit.”
Mas napalalim din ang kanyang pananampalataya. Bahagi ng kanilang pagiging iskolar ang pagsusulat ng journal tungkol sa homiliya ng pari—isang gawain na nagbigay sa kanya ng pagkakataong magnilay at pagyamanin ang kanyang espiritwal na buhay. Dahil dito, mas naging maayos ang kanyang pakikitungo sa kapwa at mas naging bukas ang kanyang puso sa paglilingkod.
Hindi rin niya malilimutan ang mga aktibidad na dinaluhan niya—mga pagtitipong hindi lamang para sa kabataan kundi pati sa matatanda. Dito niya naranasan ang tunay na diwa ng komunidad at pagkakaisa. Mas tumibay ang kanyang samahan sa kapwa iskolar at mas naging makabuluhan ang kanyang paglalakbay.
Naniniwala si Gelian na ang anumang mabuti, gaano man kaliit, ay mahalaga—lalo na kung ito ay mula sa puso. Para sa kanya, ang pagbibigay ay hindi nasusukat sa laki ng halaga kundi sa lalim ng malasakit.
Kaya naman pinili niyang mag bigay din ng mga barya sa botelya ng Pondo ng Pinoy. Sa kabila ng kaliitan ng kanyang maiaambag, nais niyang ibalik ang biyayang kanyang natanggap. Patuloy siyang nagseserbisyo at sumusuporta sa mga gawain ng Pondo ng Pinoy, dala ang hangaring makatulong sa iba pang kabataang may pangarap ngunit kapos sa kakayahan.
Sa mga taong patuloy na naghuhulog ng barya sa mga bote, taos-puso ang kanyang pasasalamat:
Nawa’y huwag kayong magsawang tumulong sa amin. Hindi lamang po ninyo pinupuno ang mga bote ng barya—pinupuno rin ninyo ng pag-asa ang puso ng mga iskolar na tulad ko. Maraming salamat po.
Sa kuwento ni Gelianmakikita natin na ang pag-asa ay hindi nasusukat sa laki ng tulong, kundi sa dami ng pusong handang magbahagi. Sapagkat sa bawat munting barya, may kabataang nangangarap—at may kinabukasang unti-unting natutupad.
by: Bebot Sabangan


