“There is no room for selfishness in time of pandemic”.
Ito ang diwa at tema ng Pondo ng Pinoy para sa ika-16 na taong anibersaryo ng community foundation na itinatag noong taong 2004 ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales. Ang pilosopiya nito ay “Anumang magaling, kahit maliit, basta malimit ay patungong langit”.
Sa gitna ng COVID-19 pandemic, inihayag ni Diyosesis ng Imus Bp. Reynaldo G. Evangelista, D.D., Vice-chairman ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc. (PnPCFI) ang paglulunsad ng programang “Pondo ng Pinoy: Simbolo ng Pag-asa, Pagmamalasakit at Pagdadamayan” sa panahon ng pandemya.
Iginiit ni Bishop Evangelista na hindi maaring i-lockdown ang pagkawanggawa sa mga nangangailangan lalu sa mga apektado ng COVID-19 pandemic. Kaya’t ang Pondo ng Pinoy noon 2020 hanggang sa kasalukuyang taon ay nagbahagi ng tulong sa halos apatnapung (40) diyoses sa bansa. A
Lubos ding nagpapasalamat si Bp. Evangelista sa mga “good samaritan” na patuloy na nagbibigay ng tulong at nag-iipon ng munting barya upang makatulong sa kapwa sa kabila ng pagdaranas ng kahirapan at kawalan ng trabaho.
“Hindi puwedeng i-lockdown ang kawanggawa, bawat araw ay sinisikap ng mga mananampalataya na makatulong sa kapwang nangangailangan. Nakakatuwa at salamat dahil sa nabuong catechesis o kamalayan ay patuloy na nag-iipon ng 25-sentimos para sa Pondo ng Pinoy,” pasasalamat ni Bishop Evangelista.
Ayon kay Bishop Evangelista, ang nalikom na barya ay ginamit ng Pondo ng Pinoy sa pagtulong sa mga naapektuhan ng pandemya, sa pagpapakain ng mga batang malnourished at nagugutom, pagbibigay ng kinabuhayan sa mga mahihirap na paimlya, pati na ang pagbabahagi ng protective equipment para sa mga frontliners at mahihirap na komunidad.
Muling nanawagan si Bp. Evangelista sa mga mananampalataya na ugaliin ang pag-iipon ng munting “mumo” para sa kapwang nangangailangan.
“Kumpletuhin natin ang bawat araw na may kawanggawa sa pamamagitan ng pag-iipon ng 25-sentimos,” apela ni Bishop Evangelista. (Arnel Pelaco, Radyo Veritas / Photo: www.veritas846.ph)