Barya ng Pag-asa: Mga Kuwento ng Iskolar

Home - Blog Detail

Sa likod ng bawat baryang inihuhulog sa bote ng Pondo ng Pinoy ay may buhay na nababago at pangarap na muling binubuo. Isa sa mga patunay nito ay ang kuwento ni Stefhanie Mae F. Bayona, isang 21 taong gulang na iskolar mula sa Diyosesis ng Antipolo at kasalukuyang ikalawang taon sa Rizal Technological University, kumukuha ng Bachelor of Education major in English.

Lumaki si Stefhanie sa isang simpleng pamumuhay. Ang kanilang pamilya ay umaasa lamang sa sipag at tiyaga ng kanyang ina upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi naging madali ang pag-aaral para sa kanya—bawat baon ay pinagpaplanuhan, bawat gastos ay kailangang tipirin. Sa murang edad, natutunan na niyang unawain ang sakripisyo ng isang magulang at ang bigat ng responsibilidad na kaakibat ng pagiging estudyante sa gitna ng kakapusan.

Matagal nang pamilyar si Stefhanie sa Pondo ng Pinoy dahil madalas niya itong makita sa kanilang parokya. Ngunit higit niya itong nakilala nang ipakilala ng isang kasamahan sa kanilang organisasyon ang scholarship program. Sa kabila ng pag-asa, may kaba ring kanyang naramdaman—ang pag-aalala kung siya ba ay mapipili sa gitna ng maraming kabataang nangangailangan din ng tulong.

Kaya’t hindi matatawaran ang kanyang tuwa nang malaman niyang isa siya sa mga napiling iskolar ng Pondo ng Pinoy. Para kay Stefhanie, ang scholarship ay hindi lamang tulong pinansyal kundi isang ginhawang emosyonal—isang katiyakang hindi na masyadong mabibigatan ang kanyang ina sa gastusin sa kanyang pag-aaral.

Bilang iskolar, buwan-buwan ay nakikibahagi siya sa mga pagpupulong ng mga scholars sa kanilang diyosesis. Dito, hindi lamang allowance ang kanyang tinatanggap, kundi pati mga aral mula sa homiliya at mga pagbabahaging espiritwal na lalong nagpapalalim ng kanyang pananampalataya. Ang tulong ng Pondo ng Pinoy ay naging sandigan ng kanilang pamilya, lalo na sa panahong nawalan ng trabaho ang kanyang kapatid—isang yugto ng kanilang buhay na mas naging magaan dahil sa biyayang kanyang natatanggap.

Isa sa mga pinakamahalagang aral na natutunan ni Stefhanie bilang iskolar ay ang halaga ng pagsisikap at ang di-matatawarang saysay ng maliliit na bagay. Para sa kanya, ang mga baryang tila maliit sa paningin ng iba ay nagiging malaking tulong sa mga kabataang tulad niya na nangangarap makapagtapos ng pag-aaral. Dito rin nabago ang kanyang pananaw sa buhay at pananampalataya—natutunan niyang magtiwala sa pagkilos ng Diyos kasabay ng sariling pagsusumikap.

Hindi rin niya malilimutan ang mga general assembly na isinasagawa sa kanilang parokya. Bilang isang mahiyain, malaking hamon para kay Stefhanie ang makisalamuha sa iba. Ngunit sa tulong ng Pondo ng Pinoy, unti-unti siyang lumabas sa kanyang comfort zone, nagkaroon ng mga bagong kaibigan, at mas naging aktibong bahagi ng komunidad ng simbahan.

Ang pagiging bahagi ng Pondo ng Pinoy ay lalo pang naglapit sa kanya sa Diyos, sa simbahan, at sa kapwa. Para kay Stefhanie, ang kasabihang “Anumang mabuti, kahit gaano kaliit, ay mahalaga” ay isang katotohanang kanyang isinasabuhay. Natutunan niyang ang taos-pusong pagbibigay—maliit man o malaki—ay may kakayahang magbigay ng pag-asa.

Bilang pasasalamat, pinili ni Stefhanie na maging isang “Tagapagbigay ng Mumo.” Sa simpleng paghuhulog ng naiipon sa bote at pagbabahagi ng adbokasiya sa kanyang mga kaibigan, ipinagpapatuloy niya ang diwa ng malasakit. Para sa kanya, kapag pinagsama-sama ang maliliit na ambag, nagiging malaki ang epekto nito—at higit sa lahat, masarap sa pakiramdam ang makatulong sa kapwa.

Sa hinaharap, nais niyang ipasa ang kabutihang kanyang natanggap sa pamamagitan ng patuloy na pagbibigay, pagtuturo, at pagbabahagi ng pag-asa sa mga kabataang kanyang makakasalamuha, lalo na sa mga mas bata pa sa kanya. Hangad niyang lumaki ang susunod na henerasyon na may bukas na puso sa pagtulong sa kapwa.

Sa huli, ang kanyang mensahe para sa lahat ng nagbabahagi sa Pondo ng Pinoy ay isang taos-pusong pasasalamat. Ang kanilang maliliit na gawa ng kabutihan ang nagsisilbing ilaw at pag-asa para sa mga kabataang tulad niya—mga munting baryang nagiging puhunan sa kinabukasan ng bayan.

By: Bebot Sabangan Jr.

Recent Posts

  • All Post
  • Activities
  • Events
  • Front Slider
  • Multimedia
  • News & Updates
    •   Back
    • Bible Verses and Quotable Quotes
    •   Back
    • Photo Gallery
    • Videos
    • Bible Verses and Quotable Quotes
    •   Back
    • Pondo ng Pinoy Sunday
    • Stories of Scholars

Emergency Call

Lorem Ipsum is simply dumy text of the printing typesetting industry beautiful worldlorem ipsum.

Categories

CONTACT US

Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc.

Quick Links

About Us

Programs

Downloads

Updates

Contact

Useful Links

Privacy Policy

Terms and Conditions

Disclaimer

Support

FAQ

OFFICE HOURS