Liwanag sa Barya: Ang Pangarap na Hinubog ng Pananampalataya
Sa isang pamilyang nakikipagsapalaran sa araw-araw na buhay, ang pangarap ay madalas na kailangang ipaglaban nang may tiyaga, panalangin, at determinasyon. Para kay Jeserre Avellana Jacob, isang 20-taong gulang na iskolar ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc., ang edukasyon ay hindi lamang tungo sa propesyon kundi isang misyon ng pag-asa para sa pamilya at kapwa.
Si Jeserre ay kasalukuyang 3rd year college student sa Antipolo Institute of Technology, kumukuha ng Bachelor of Construction Engineering Technology and Management. Ngunit bago niya marating ang puntong ito, dumaan siya sa mga hamon ng buhay na humubog sa kanyang pagkatao.
Lumaki si Jeserre na may kamalayan sa hirap ng buhay. Sa kanilang tahanan, madalas na ang iniisip ay kung paano pagkakasyahin ang kita ng magulang para sa pagkain at pangangailangan ng magkakapatid.
Hindi laging sapat ang budget para sa proyekto sa paaralan o sa iba pang gastusin. May mga pagkakataong napipilitang huminto ang ilan sa kanyang kapatid upang magtrabaho at makatulong sa pamilya. Sa ganitong sitwasyon, natutunan ni Jeserre ang halaga ng tiyaga at pagsusumikap na tapusin ang pag-aaral kahit may kakulangan sa materyal na suporta.
Natagpuan ni Jeserre ang impormasyon tungkol sa scholarship habang naglilingkod siya bilang choir member sa kanilang simbahan sa Diocese of Antipolo. Isang madre ang nag-encourage sa kanya na subukang mag-apply sa scholarship program.
Hindi naging madali ang proseso dahil maraming aplikante ang naghangad na maging bahagi ng programa. Ngunit pinanghawakan niya ang panalangin at pag-asa—hanggang sa dumating ang araw na natanggap niya ang balita na siya ay napili. Ang saya ay hindi maipaliwanag. Para kay Jeserre, ang pagiging iskolar ay parang sagot sa mga tahimik na panalangin ng kanilang pamilya.
Sa praktikal na buhay ng pamilya, ang tulong na hatid ng scholarship ay nakapagpagaan sa bigat ng gastusin.
Hindi na kailangang mangutang para sa jersey sa mga school activity o para sa mga materyales sa project. Ang grant na natatanggap sa parish formation activity ay may kaakibat ding paghihikayat sa mga iskolar na maghanda ng journal, expense report, at magdala ng mga plastic bottles bilang bahagi ng adbokasiyang pangkapaligiran ng programa. Sa simpleng paraan, ang maliit na tulong ay naging daan upang maipagpatuloy ni Jeserre ang kanyang pag-aaral.
Ang pagiging bahagi ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc. ay hindi lamang nagbigay ng pinansyal na suporta kundi nagpalalim din ng pananampalataya ni Jeserre.
Mas natutunan niya ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa, kahit sa maliliit na paraan lamang. Para sa kanya, ang kabutihang nagmumula sa puso ay hindi nasusukat ng halaga—kundi ng layunin at malasakit.
Naniniwala siya sa diwa ng “Anumang mabuti, kahit gaano kaliit, ay mahalaga.”
Sa hinaharap, nais ni Jeserre na maibalik ang tulong na kanyang natanggap sa pamamagitan ng paglilingkod sa komunidad.
Nais niyang magbahagi ng bigas, school supplies, at iba pang pangangailangan ng mga kabataan sa kanilang parokya. Higit sa materyal na tulong, nais din niyang makinig sa mga taong may pinagdadaanan at mag-alay ng panalangin para sa kanila.
Sa kanyang pananaw, ang tunay na pagbibigay ay hindi nasusukat sa laki ng handog kundi sa katapatan ng pusong nagnanais tumulong.
Sa mga taong patuloy na sumusuporta sa misyon ng scholarship, ang mensahe ni Jeserre ay simple ngunit makapangyarihan:
“Maraming salamat po sa pagsuporta sa Pondo ng Pinoy. Dahil sa inyo, marami ang natutulungan upang maipagpatuloy ang pag-aaral at maabot ang mga pangarap. Ang inyong maliit na tulong ay nagiging malaking pag-asa para sa aming mga estudyante at pamilya. Pagpalain po kayo ng Diyos.”
Sa bawat barya na ibinibigay nang may malasakit, may pangarap na nabubuo at pag-asang sumisibol.
Si Jeserre Jacob ay patunay na ang liwanag ng edukasyon ay maaaring magsimula sa munting barya ng kabutihan.
By: Bebot Sabangan


